"Ang Kabataan ang pag-asa ng Bayan". Ani nga ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal. Marahil, ito na nga ang isa sa pinakasikat na katagang madalas nating naririnig saanmang sulok ng ating bansa. Isa itong ginagamit bilang pang-payong mga kataga ng mas nakatatanda sa atin. Masyado na ngang luma o gasgas na para sa ibang kabataan ang paulit-ulit na pahayag na ito.
Bago tayo mag-isip ng malalim, bigyang kahulugan muna natin ang salitang kabataan. Ang kabataan ay bahagi ng progresibo at yugtong dinamiko na kung saan sa edad na ito, ginaganap ang transisyon ng iba't ibang bagay o pangyayari na may kinalaman sa kaniyang hinaharap. Lahat ng tao ay dumaan sa pagiging kabataan. Sa yugtong ito, nararanasan ng mga kabataan ang iba't ibang mga responsibilidad na nakaaapekto sa kaniyang buhay. Maituturing isang karangalan sa kabataan ang pagiging mulat at may kamalayan sa kaniyang paligid. Ayon sa ating batas, ang mga may edad na labing-lima hanggang tatlumpu ay parte ng mga kabataan. Sila ang grupo ng mga taong maaari nang bumoto sa Sangguniang Kabataan na ating tinatawag.Pero alam mo ba, madalas ay nakatatanggap ng kritisismo ang mga kabataan galing mismo sa mga nakatatanda sa ating lipunan? Sa katunayan, masakit ang mga binibitawang salita ng mga nakatatanda. Nagpapakita kasi ito ng walang pagkabilib sa mga kabataan. Bilang isa rin ako sa mga kabataan, masakit isipin na sila mismo ay nagkakaroon ng pagdududa sa ating kakayahan. Napapaisip tuloy ako, may boses nga ba tayong mga kabataan? Kung ating iisa-isahin, maraming kabataan ang nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kanilang posisyon sa lipunan. Mayroon nga akong napanood, isang batang doktor, minamaliit sa sarili niyang prosesyon dahil siya raw ay bata pa lamang at wala pang alam sa mga mabibigat na gawain. Dagdag pa, ang mga kabataan din ay nakararanas ng pangmamaliit mismo sa loob ng kanilang tahanan. Kung minsan, napipilitan na lang ding tumahimik ang mga kabataan dahil hindi sila nabibigyang-pansin at ipinagsasawalang-bahala ang kanilang saloobin. Hindi naman masama kung bibigyan din ng pagkakataon ang mga kabataan na manindigan at maibahagi ang kanilang saloobin. Maraming mga lumalabas na balita hinggil sa mental na epekto ng diskriminasyon sa mga kabataan. Sa katunayan, nito lamang sumibol ang pandemya, nadagdagan ang mga bilang o porsyento ng mga kabataang nakararanas ng depresyon, anxiety, at pagkabalisa. Nakalulungkot lamang malaman sapagkat wala tayong nagagawa para mapigilan at mapawi ang lungkot na nararanasan ng mga kapwa natin kabataan. Hindi maitatago kung gaano karaming suliranin ang kailangan ding masolusyunan para sa mga kabataan. Handa ka bang malaman ang mga suliraning ito? Handa ka bang mamulat sa mundo na tinatawag nilang "makabagong henerasyon" partikular ang mundo ng mga kabataan?
Kalimitang nangyayari, ang mga suliranin ng mga kabataan ay nagiging mitsa ng pag-usbong ng mga agam-agam at ugong na pilit na gumugulo sa kanilang isipan bilang sila ay parte ng lipunan. Ayon sa pagsusuri noong taong 2008, meron mga nakuha o napag-aralang mga suliraning tinataglay ang mga kabataan. Kasama rito ang depresyon, pagsusugal, paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng droga, kawalang interes sa edukasyon, premarital sex, bullying, cyber-addiction, suicide at problema sa pamilya. nakalulungkot sa pagkat sa murang edad ng mga kabataan ay nararanasan na nila ang mga ganitong suliranin. Halika, isa-isahin natin ang mga suliranin na iyan.
- Suliraning Depresyon
Sa pag-aaral ni Lumasac (2015), ang depresyon ay lumalabas bilang isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga kabataan. Kadalasan, kaya nagkakaroon ng labis na depresyon ang mga kabataan ay dahil umabot na sila sa punto ng transisyon sa kanilang edad at responsibilidad. Sa tala ng World Health Organization, isa lamang sa bawat limang kabataan ang natutulungan sa kanilang suliranin. Hindi ba't nakalulungkot ang mga impormasyon na ito? Importante ang mental na aspekto ng tao lalo na't sa isip natin nanggagaling ang mga gawain o aksiyon na ginagawa natin. Dinidiktahan tayo nito ayon sa ating emosyon at kagustuhan. Karagdagan sa mga pag-aaral na ito, isa pang nakalulungkot na katotohanan ay bihira lamang ang nakakaintindi sa mga isyu na malalimang iniisip ng mga kabataan.
2. Suliranin sa Paninigarilyo at Pag-inom ng Alak
Sa magkatuwang na pag-aaral ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH), umaabot na sa apat na milyong mga kabataan ang nasa ilalim ng impluwensiya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Lumalabas din sa kanilang istatistika na mas maraming mga kabataang lalaki ang nalululong sa ganitong bisyo. Ang mga suliraning nito ay nakaaapekto naman sa kalusugan na aspekto ng mga kabataan. Dahil wala silang ibang alam na maaaring gamot o lunas sa kanilang mga problema, ginagawa nilang sandigan ang alak at sigarilyo upang makatakas daw sa bigat ng kanilang nararamdaman. Nagiging resulta rin ito ng pagkawala sa sarili na maaaring maging mitsa ng isang sigalot na karahasan at krimen. Mahalagang pagtuonan din ito ng pansin sapagkat kahit pumapasok sa eskwelahan ay naipupuslit ng mga kabataan ang ganitong mga bagay.
3. Suliranin sa Paggamit ng Ipinagbabawal na Gamot
Ang suliraning ito ay maituturing bilang isa sa pinakamahirap solusyunan. Ang labis na pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot ay nagreresulta sa labis na pagkawala sa sarili ng mga kabataan. Ang mga nasa ilalim ng isyung ito ay kalimitang nakagagawa ng mga karahasan at krimen na nakapapahamak sa mga kapwa tao at kabataan. Kaya naman, hindi ba't sa mga balitang ating napapanood, ay dumarami ang mga kabataan ngayon ang siyang nagiging suspek sa mga krimen dito sa ating bansa. Bukod pa rito, maaari ring ikamatay ng mga kabataan ang labis na impluwensiya ng droga dahil nagtataglay ito ng mga kemikal na may labis na impak o tama sa mga gumagamit.
4. Suliranin sa Pagkawala ng Interes sa Edukasyon
Ayon sa mga kataga ni Nelson Mandela, "Education is the most powerful weapon that you can use to change the world." Ang linyang ito ay hindi malilimutan lalo na ng bawat kabataan. Upang magkaroon ng magandang edukasyon ang bawat kabataan, pumapasok tayo sa ating mga paaralan. Maaaring sa pamamagitan tayo ng "online" o sa mismong loob ng ating silid-aralan. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) umaabot sa maraming milyon na bilang ng mga kabataan ang hindi nakakapag-aral at hindi nabibigyan ng sapat na edukasyon. Nakalulungkot ito sapagkat paano na lamang ang edukasyong siyang susi raw sa magandang kinabukasan ng mga kabataan? Paano na maka-aahon ang mga kabataan at makapagpapatuloy sa kanilang misyon at pangarap kung nawawalan sila ng ganang mag-aral o wala silang sapat na kakayahan upang makapag-aral.
5. Suliranin sa Pangangailangang Seksuwal
Marahil isa na ring pinakamatagal na suliraning nararanasan ng mga kabataang ay ang pagtugon sa kanilang seksuwalidad. Ang bawat tao ay may pangangailangang seksuwal iyon nga lang, may tamang panahon sa mga ito at may obligasyon tayong pangalagaan ito. Sa nakalulungkot ngang pag-aaral, lumalabas na ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento sa buong Timog-Silangang rehiyon sa Asya. Mas marami sa limang-daang bilang pa ng mga kabataan ang nanganganak sa araw-araw. Grabe! Maging ako ay hindi makapaniwala sa mga bilang na ito. Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang lumalagong problemang ito sapagkat nagdudulot ito ng hindi makontrol na paglobo ng populasyon sa Pilipinas na nagiging sanhi ng labis na pagtaas ng demand ng bawat tao sa bansa. Isa pa, isa rin itong delikadong pangyayari sa mga kabataan sapagkat wala pang masyadong kakayahan ang mga ito na manganak at magsilang ng sanggol. May mga kaso ring ipinalalaglag ang mga sanggol at ang iba naman ay itinatapon o pinapa-ampon dahil hindi matustusan ng kanilang mga magulang. Ang pakikipagtalik sa hindi pa asawa ay maituturing isang premarital sex.
6. Suliranin sa Bullying
Bullying. Isang normal na normal na isyu sa mga kabataan na mahirap puksain at maiwasan. Nagiging normal na tuloy ito sa mata ng maraming tao. Nagdudulot ito ng labis na pagkawala ng tiwala sa sarili at pagdududa sa kakayahan ng isang kabataan. Mahigit tatlumpu ang mga kasong naitatala ng bullying. Iniulat ni Cebu Rep. Gerald Anthony Gullas, Jr. na sa kabuuan ay 6,363 insidente ng bullying ang nagaganap sa mga paaralan. Sa ulat naman ng Philippine Commission on Women ay 50% ng mga estudyante ang nabubully at 53% ng mga ito at babae at 43% naman ay lalaki. Ang bullying ay mayroong iba't ibang mga uri. Maaaring ginagawa ito sa pisikal, pasalita, at kahit sa mundo ng cyber. Kadalasan, nararanasan ng mga kabataan ang pagkakaroon ng "cyber bullying" dahil madaling nasisiraan ang mga estudyante kapag sa online ito inilalagay. Masasabi ring dahil sa cyber addiction, dumarami ang biktima ng internet addictionat tinatayang tumataas ng 25% kada 15 na minuto ang naaadik sa internet. Isa sa bawat 25 na kabataan ang maituturing na “severe” ang pagkahumaling sa internet. Dumidepende na lang ang mga kabataan sa kapangyarihan ng “information superhighway” na nagreresulta sa katamaran.
7. Suliranin sa Pamilya
Sa bawat mga suliraning nabanggit, nagiging hudyat sa mga kabataan ang suliraning pamilya. Dahil sa labis na pagkakaproblema sa mga isyu sa kanilang sari-sariling pamilya, marahil ay nagagawa nila ang mga bagay na hindi dapat ginagawa ng isang kabataan. Ayon sa isang pag-aaral, ang batang bunga ng broken family ay mas delikado ang kalusugan ng kanyang mentalidad na maaaring magtulak sa kanyang magrebelde kabilang na doon ang pabibisyo, paggawa ng krimen, at iba pa. Sa 8,000 bata na may taong lima (5) hanggang labing-anim (16) ay halos sampu ang naitatalang hindi tama ng kanilang pag-iisip na nagiging sanhi ng pagrebelde at malaki ang posibilidad na maligaw ito ng landas kung nakaranas ito ng pagkasira ng pamilya o kaya naman ay trauma sa pamilya.
Malaki at maraming responsibilidad ang transisyon ng pagiging bata sa isang kabataan. Nasanay tayo noong tayo ay bata pa na dumepende sa ating mga magulang. At dahil nga tayo ay isa nang kabataang maituturing nasa estado ng young adulthood, dumarami ang ating mga responsibilidad. Mahalaga ng yugtong ito sa buhay ng bawat tao. Sa mga suliranin ba na iyong narinig, masasabi mo pa rin ba na ang may boses ang mga kabataan? Sila pa rin ba ay maituturing pag-asa ng bayan? Marami sa mga nakatatanda sa atin, ang nagsasabi na dahil dito sa mga suliraning kinapapalooban ng mga kabataan, mukhang malabo na raw ang mga sinabi ng ating pambansang bayani upang pagtibayin ito. Makikitaan ng labis na problema di umano ang mga kabataan sa panahon ngayon. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na dapat nating bigyan ng diskriminasyon ang mga kabataan. Hindi natin dapat nilalahat ang mga kabataan. Mayroon pa rin naman ang mga responsable at kayang magbago para sa kanilang pang hinaharap na kinabukasan. Labis mang nakagugulat ang mga impormasyong ating nakalap, huwag sana maging iba ang tingin natin sa mga kabataan ng ating lipunan. Tama, manindigan tayo para sa mga kabataan. At para naman sa mga kabataan, manindigan din tayo para sa ating kinabukasan at para sa ating bansa.
Taliwas naman sa mga suliraning nabanggit sa itaas, marami pa namang mga magagandang tagpo ang bawat kabataan. Sa katunayan, dumarami na ang mga kabataang naglilingkod sa iba't ibang propesyon o mundo ng kanilang katalinuhan at kagalingan. Marami na ring mga kabataan ang nagpapakadalubhasa ngayon para sa pag-unlad ng kanilang sarili, pamilya at bansa. May boses pa rin ang mga kabataan. Gaya ng mga nakatatanda, ang mga kabataan ay dapat nating bigyan ng karapatang magsalita at maglabas ng kanilang saloobin sapagkat may kamalayan at pakialam din naman sila sa mundong ating ginagalawan. "It's a matter of give-and-take" ika nga. Kung marunong tayong magbigay para sa isa't isa, sa tingin ko ay wala namang magiging problema. Hangga't may tao, may kabataan at hangga't may kabataan, may pag-asa ang ating bayan. Ang pagiging responsable at disiplina sa sarili ang magiging daan ng lahat upang makuha ang inaasam-asam na kapayapaan sa ating bansa. Ang mga kabataan ay boses ng lipunan. Ang mga kabataan hindi iba sa lahat. Kaya't sa mga nagsasabing hindi kaya ng mga kabataan ang umunlad, puwes maaari ninyo nang kainin ang inyong mga sinabi sapagkat hinding-hindi magpapatinag ang mga kabataan sa kanilang prinsipyo at abilidad sa buhay. May boses ang bawat kabataan. Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
PAMANTAYAN:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento